Wednesday, February 01, 2006

Ang mga Sana ng Buhay Ko

Sana hindi ganito. Sana hindi ganito ang nararamdaman ko. Sana, tuwing nakikita kita, hindi bumibilis ang tibok ng puso ko. Sana hindi lumalamig ang mga palad ko. Sana hindi ako nauutal kung hindi naman ay dumadaldal. Sana hindi parang gulaman ang mga tuhod ko na kinakailangan kong umupo. Sana hindi puro kagagahan ang lumalabas sa bibig ko o kaya ay puro tawa na lang. Sana hindi ako nagkakaganito 'pag nariyan ka na sa harap ko.
Mahal na kita. Kahit alam kong malabo kasi 'di naman tayo gaanong magkakilala. Kahit alam kong hindi dapat dahil may iba kang mahal at may ibang nagmamahal sayo. Kahit alam kong hindi dapt dahil magkaibigan tayo kahit paano. Kahit alam kong hindi mo maiintindihan.
Siguro nga tama sila. Na hindi pa kita mahal. Malamang totoo 'yun. Malamang, naaaliw lang ako sayo. Malamang hindi pagmamahal ang nararamdaman ko. Malamang natutuwa lang ako.
Pero may nararamdaman ako. Lalo na pag kaharap na kita. 'Pag nangungulit ka na. 'Pag nagpapatawa ka na. Parang lungkot na may halong saya, galit, takot, at kung anu-ano pa.
Mabait ka kasi. Maloko. Di naman maiwasang maaliw sayo. Nakakatuwa, nakakatawa. Malambing ka rin at palakaibigan.
Sana hindi ako nasasaktan pag nasasaktan ka. Naiiyak pag malungkot ka. Napapahalakhak pag masaya ka. Nagngingitngit pag napipikon ka. Sana hindi ako mapapangiti pag nariyan ka.
Sana lang talaga.
Sana.
Wish ko lang.